As part of the weekly exercises of my graduate students in Anthropology 225: Philippine Society and Culture, I wanted my students to explore places and write ethnography using the method of participation-observation.
In celebration of the sesquicentennial (150th) birth anniversary of Dr. Jose Rizal, the Philippine's national hero, I asked my graduate students to visit museums that exhibit memorabilia for our dear renaissance Filipino man Jose Rizal, attend local and international academic symposium on The First World-Class Filipino Jose Rizal, travel to his ancestral house in Laguna, or pay respect to one of Asia's great intellectuals enshrined at Luneta Park, and so on...
I am posting in my blog with the writer's consent selected ethnography penned creatively by my students to contribute to the emerging sub-discipline of anthropology called 'Virtual Ethnography'.
Basically, virtually ethnography is also referred to as Webnography. We cannot deny the fact that with increasing use of technology and the Internet, there is now a demand for online spaces on various ethnographic accounts.
Ethnography by Jo-ann Gimenez Grecia
“Boss, ano ‘tong bahay na ‘to dati?”
“Bahay ni Don Alberto, kapatid ng nanay ni Rizal. Dyan nga siya tumira nang saglit noon eh.”
Naiinis ako lalo na nitong mga nakaraang taon nang hindi sine-celebrate, o ipinagdiriwang, o pahapyaw lamang na nababanggit sa TV o dyaryo ang kaarawan ni Rizal. Dismayado talaga ako dahil hindi alam ng lahat na birthday niya – at National Hero pa natin ito nang lagay na ‘yan! Sa akin lang, lahat ng Pilipino ay dapat nasa puso ang June 19 bilang kaarawan ni Rizal. Oo nga’t may punto naman na minsanan lang ang selebrasyon para ito ay maging tunay na espesyal, ngunit hindi ba pwedeng exception to the rule na si Rizal? Kung tutuusin, utang natin sa kanya at sa iba pa nating bayani ang kung ano mang klase ng kalayaan mayroon tayo ngayon. Hindi ba’t sapat lamang na i-celebrate iyon taon-taon?
Ako, ang Biñan, at ang Pagkamulat kay Rizal
Isang tricycle ride na mga 15-20 minutes ang layo ng bahay namin sa mismong sentro ng bayan ng Biñan. Ito ang mismong sentro ng lugar kung nasaan ang dating munisipyo, simbahan, palengke, plaza, at kung anu-ano pa. Maraming mga bahay na bato bago dumating sa mismong bayan. Isa na dito ang mga marker sa bakuran na “Rizal in Biñan.” Hindi halata ang bahay sa loob ng bakuran dahil ito ay nahaharangan ng mga puno at nasa may bandang likod pa ito ng lote. Ngunit halata naman ang marker dahil ito ay kulay itim sa peach na pader at may grills pa. Nadadaanan din ito ng mga dyip patungong Biñan kaya talagang mapapansin ito.
Habang ako ay lumalaki at nagkakaisip, hindi lingid sa akin na minsan tumira sa Biñan si Rizal. Tubong-Biñan kasi ang kanyang amang si Francisco maging ang inang si Teodora. Ito ang naisip ko noon, “Aba, I have something in common pala with Rizal! Parang kababayan ko na rin pala siya!” Parang dumoble talaga ang pagkaproud ko sa kanya! Hindi ko masyadong mapaliwanag pero may sense of pride ako kapag sinasabing kong taga-Biñan ako dahil iniisip ko si Rizal. Siguro, lalo na para sa mga tubong-Calamba, ‘di ba? Overwhelming with pride malamang.
Lagi akong tumitingin sa marker na iyon kapag dumadaan ang dyip sa bahay na iyon at tinatahak ang Gen. Mateo Capinpin St. Noon pa man ay curious na kasi talaga ako sa pamamalagi ni Rizal dito sa Biñan. Alam kong saglit siyang nag-aral dito sa patnubay ni Maestro Justiniano Aquino Cruz. Common knowledge na si Rizal ay sadyang maalam na kaya nasabi ng maestro na wala na itong maibabahagi pa kay Rizal – alam na niya ang lahat ng dapat niyang malaman. Bibo kid pala itong si Rizal! Batid ko rin na siya ay nakaranas ng pangungutya mula sa ilang kamag-aral dahil sa laki ng kanyang ulo kumpara sa kanyang katawan. Ngunit dahil sa angking talino, pinayuhan siya ng maestro na magpatuloy ng pag-aaral sa mataas na antas.
Sa paglalakbay
Nalaman kong noo’y
Miminsa’y napaunlakan
Mumunting bayan ko
Sa Biñan na kinagisnan ko
Namalagi ka nang saglit
Nag-aral nang maigi
Sa bahay na pawid
Natuto ka nang husto
Sa maestrong mahigpit
Napasubo sa hamon
Mag-aaral na pilyo
Ang Lihim ng Bahay na Bato
Napakaiksi lamang ng mga nasusulat tungkol sa pansamantalang pamamalagi ni Rizal sa Biñan, at kadalasang ito ay umiikot lamang sa kanyang pag-aaral. Kahit sa dyaryo at brochure ng Biñan, naiuugnay lamang ito sa unang pormal na pag-aaral ni Rizal. Ngunit sa iksing mga naisusulat na ito, marahil ang pinakasikat na elemento na naiuugnay kay Rizal at sa bayan ng Biñan bukod sa kanyang pag-aaral ay ang “bahay ng kanyang ina” na matatagpuan dito.
Sa katunayan, kung nasaan ang marker na nasa peach na pader ay hindi ang bahay na bato na sinasabing bahay ng ina ni Rizal kundi ang bahay ng mga Gonzalez, prominenteng pamilya sa Biñan, ayon kay Jasmin G. Alonte, Tourism Officer ng Biñan (personal na komunikasyon, Hulyo 4, 2011). Sa bakuran ng mga Gonzalez dating nakatayo ang kubong ginawang paaralan ni Maestro Cruz sa estudyanteng si Rizal at iba pang mga mag-aaral. Sa kasamaang-palad, ang kubo ay nasira noong pagsalanta ng bagyong Milenyo noong 2006. Sadya lamang tama ang lugar kung nasaan ang marker dahil doon sa lugar na iyon natuto si Rizal bilang isang mag-aaral.
Kaya’t ang tinutukoy na “bahay ng ina ni Rizal” ay ang bahay na bato sa sentro ng Biñan, ang tinaguriang Alberto House. Ngunit bakit may quotation marks pa sa “bahay ng ina ni Rizal”? Ito ba ay paglalagay lamang ng emphasis o sadyang may kaakibat na interes? Ito ay dahil may mga panayam sa TV kung saan ang inapo o descendant ng mga Alberto, si Gerardo Alberto, ay sinasabing kapatid lamang sa ama o kaya naman ay pinsan ng kanyang lolo, si Jose Alberto, ang ina ni Rizal na si Teodora Alonzo (Ocampo, 2010). Ang mga Alberto ang may-ari ng sinasabing bahay ng ina ni Rizal. Sa ibang salita, illegitimate o anak sa labas si Teodora. Kung gayon, hindi talaga pagmamay-ari ng mga Alonzo ang bahay na bato sa bayan ng Biñan kundi naiuugnay lamang kay Rizal. Gayunpaman, sa kadahilanang dito siya namalagi noong 1870-1871 habang ito sa nag-aaral, mayroon pa rin itong historical significance (Ocampo, 2010).
Sa TV special ni Howie Severino ng GMA 7 na I-Witness pinamagatang “Ang Lihim ng Pamilya ni Rizal” pinalabas noong Enero 31, 2011, ipinaliwanag ang sinasabing relasyon nina Jose Alberto at Teodora Alonzo. Nakapagtatakang sa isang family tree na ginawa ni Rizal, detalyado ang pamilya ng angkan ng kanyang ama ngunit natigil ang sanga ng angkan ng kanyang ina sa ngalan nito. Wala nang ibang pangalan na idinugtong si Rizal sa angkan ng kanyang ina. Winawaring ito ba ay nagsasabing may lihim ang angkan ng kanyang ina kaya’t hindi niya kinumpleto ang kanyang family tree.
Maraming kontrobersiyang umiikot sa bahay na bato kung saan sinasabing lumaki ang ina ni Rizal at si Jose Alberto. Sa lahat ng kontrobersiyang umiikot sa kaugnayan ni Lolo Jose at Lola Teodora at ang bahay na bato sa Biñan – mula sa pagdududang bastardo o hindi lihitimong anak si Jose o kaya naman si Teodora, hanggang sa pagtatangka umanong paglason sa asawa ni Jose na Teodora din ang ngalan, hanggang sa ‘di umanoy pagkakaroon bawal na relasyon nina Jose at Saturnina, anak ni Teodora at nakakatandang kapatid ni Rizal – nangangahulugan lamang ito na makasaysayan ang lugar na ito. Matatandaang ang pagbibintang na tangkang paglason ni Teodora sa asawa ng kanyang kapatid ang dahilan kung bakit siya kinulong at ang pagkakakulong niyang ito ay ininda ng batang si Rizal. At ang pangyayaring ito ay isa sa mga kawalang hustisya napuna ng batang si Rizal.
Ayon pa rin sa TV special ni Howie Severino, ang umano’y hidwaan sa pagitan nina Jose at Teodora ay tila naipasa sa kanilang mga inapo. Nang magkaroon ng pagtitipon at magkita ang kasalukuyang angkan ng mga Alberto at Alonzo/Rizal, may hindi kumportableng hangin sa pagitan ng dalawang pamilya. Tila ba may certain degree of awkwardness. Maraming kuru-kuro sa kontrobersiya ng pagiging anak sa labas at ito marahil ang dahilan ng awkwardness sa pagitan ng dalawang pamilya.
Ang tila nakapagtatakang ‘bitin’ na family tree ni Rizal sa angkan ng kanyang ina ay tinuldukan ng isang ring family tree na ginawa rin mismo ni Rizal. Sa family tree iyon, buo ang angkan ng pamilya ng kanyang ina. Kabilang dito ang tala ng pangalan ng kanyang ina at ng mga kapatid nito, kasama si Jose. Binigyang linaw nito na tunay na magkapatid sina Jose Alberto at Teodora Alonzo. Nararapat lamang na ituring ding bahay ng ina ni Rizal ang bahay na bato sa Biñan.
Ngunit ika’y malungkot
Tila ba matamlay
Nangungulila marahil
Sa bayang sinilangan
Sabi mo pa,
“Mas gusto ko ang Calamba,
maliit kung tutuusin
ngunit mas kaakit-akit.”
Ilang luha rin ang umagos
Sa makinis mong pisngi
Sabik na makapiling
Pamilyang tinatangi
‘Di ka nakatatagal
Sabik ka nang lumisan
Tila ba ‘di lilingon
Sa bayan ng Biñan
Mula Biñan patungong Bataan
Ang panayam kay Gerardo Alberto, inapo ni Jose Alberto, ay tungkol sa planong pagdemolisyon sa “bahay ng ina ni Rizal” at paglipat nito sa Bataan para sa isang historical community o heritage resort. Pinipigilan at tinututulan ito ng pamahalaan ng Biñan at mga mamamayan nito, at ang kilusan para sa conservation ng kultura ng Biñan, ang United Artists for Cultural Conservation and Development (UACCD). Sinasabing ire-relocate ang makasaysayang bahay sa Bataan dahil naipagbili na ito sa halagang P500,000. Sa katunayan, pinakitang nasimulan na ang pagtitibag sa ilang bahagi ng bahay tulad ng sahig at bubong.
Mula sa pagbisita ko sa city hall ng Biñan, nalaman kong matagal nang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga Alberto. Ang Public Information Office at Tourism Office ay parehong nagsabing may mga pag-uusap na ukol dito. Maraming flash reports, news updates, at TV specials na rin ang ipinalabas ukol sa planong demolisyon na ito. Paulit-ulit din ang panawagan ng mga tumututol dito na huwag hayaang tuluyang mawala ang makasaysayang bahay na bato.
Ang pamahalaan ng Biñan ay nakikipag-ugnayan sa mga Alberto para hindi na matuloy pa ang planong demolisyon. Ngunit sa parehong palabas ni Howie Severino, nakapanayam niya ang kasalukuyang alkalde ng Biñan, si Mayor Marlyn “Len” Alonte-Naguiat, na nagsabing ang bahay na bato ay hindi kasama sa heritage sites ng National Historical Institute (NHI). Ibig sabihin nito ay hindi ito itinuturing na historical kahit ito pa ay naiuugnay kay Rizal. Ang katotohanan lamang na ang bahay ay mahigit na 200 taon na ay sapat na basehan upang ipreserba ito dahil ito ay mahigit sa 50 taon nang istruktura.
Naglunsad ng kilusan ang mga mamamayan ng Biñan kasama si Mayor Alonte-Naguiat ng “Save the Alberto House Movement” ayon sa News to Go na pinalabas noong Marso 22, 2011. Sinusulong nito ang pagpigil sa pagde-demolish ng Alberto House. Sabi ng Vice-Mayor na si Arman Dimaguila, naideklara na ng city council na isang heritage site ang Alberto House kaya hindi na ito maaring ilipat o gamitin sa ibang paraan (Ozaeta, 2010). Dito sila ay nagfile ng expropriation case para bilhin ang bahay na bato. Hindi na gigibain ang Alberto House at mangangalap na lamang ng malaking pondo para sa ikagaganda nito.
Ika’y nagbalik
Sa Calambang tunay na ibig
Kung maaari’y ‘wag nang umalis
Doon na lang mamalagi
Ngunit kailangan
Kaya ika’y nagbalik
Naparito nang muli
Kahit masakit sa dibdib
Panahon ay lumipas
Dunong nagging sapat
Wala nang maibabahagi pa
Maestrong giliw na giliw
Ika’y pinalaya
Humayo kang dali-dali
Walang pag-aalinlangan
Biñan iyong nilisan
Ang Mukha ng Bahay na Bato
Sa mga kuha ng Alberto House as TV special ni Howie Severino at dating larawan, ang loob at labas ng bahay na bato at talagang nagdetriorate na. Ngayon, may nakapalibot na luntiang bakod na gawa sa yero at may makakabit na slogan tulad ng “husay at galling kaya mong pagyamanin.” Bukod sa napakalaking signage na nagtuturo kung nasaan ang pinakamalapit na Jollibee, ang Alberto House ay nagmumukhang historical landmark na. Dahil ito sa pathway na gawa sa kahel na bricks na may mga mala-Kastilang ilaw. Ito ay bahagi ng Buhay Rizal Values Campaign ng Yuchenhco Group of Companies (YGC), malaking grupo ng kumpanya sa bansa. Sa bukana ng pathwalk ay isang marker na may mukha ng Rizal at ng kampanya at nagsasabing ito ay para sa mga mamamayan ng Biñan. Pinasinayaan ito noong Pebrero 2, 2011.
Hindi pa ito marker na nagsasaad na ang lugar ay isang NHI Heritage Site o historical landmark ngunit ang paglalagay ng pathwalk ay indikasyon na pinahahalagahan na ngayon ng mas matindi ang Alberto House. Mas magara na nang hindi hamak ang harap ng bahay na bato. Kahit hindi maaaring pumasok sa bahay ay mararamdaman naman ang mas matinding pagpapahalaga dito dahil sa kalinisan ng harap ng bahay kabilang na ang pathwalk. Wala na rin mga nagtitinda sa harap ng bahay dahil mayroon nang nagbabantay dito. Dahil ito ay nasa sentro, dinaraan ito ng mga tao at sasakyan kaya naman walang nagtitinda sa harap nito. Sa gilid at likod ng bahay ay nandoon pa rin ang mga commercial establishments na dati nang may-ari ng parte ng lupain ng mga Alberto at Alonzo.
Sa aking pagtatanong sa mga kababayan ko, alam ng aking mga natanong na may kaugnayan ang Alberto House sa buhay ni Rizal. Naglalaro ang kanilang alam sa gitna ng “bahay ng kapatid ng ina ni Rizal,” “bahay ng malapit na kamag-anak ni Rizal,” at “bahay ng ina ni Rizal.” Maaaring ‘di eksakto at ‘di pare-pareho ang nalalaman ng aking mga pinagtanungan, tulad din naman ng disagreement ng mga manunulat at mananaliksik sa buhay ni Rizal. Ang maganda dito ay hindi ignorante ang mga taga-Biñan sa kung ano ang mayroon sa lugar namin at kung ano ang ginampanan nito sa ating kasaysayan.
Ang mga kawani naman ng city hall ay nagpatotoo sa mga ipinapalabas sa TV at isinusulat sa dyaryo ukol sa mga nangyayari sa Alberto House. Hindi nga lang ganoon kalalim ang diskurso na aking naranasan sa mga kawaning aking nakausap – maaaring dahil sa mababaw na nalalaman nila ukol kay Rizal dito sa Biñan – ngunit pinapatotoo din nito na alam ng kinauukulan kung ano ang bigat ng sitwasyon na kinasasangkutan ng Alberto House. Hindi bulag, pipi, at bingi sa mga saloobin ng mga taga-Biñan.
Katulad ng pathwalk sa Alberto House, ang monumento ni Rizal sa sentro ay inayos din ng YGC. Naging mas magara ito at kung titignan mula sa harap ang monument ay makikita ang Alberto House sa background. Nakakatindig ito ng balahibo dahil alam kong minsan ay tumira doon si Rizal, lumakad sa kalsadang nilalakaran naming mga taga- Biñan at ng mga dumarayo dito. Ngayon ay hinihiling na lamang na sana ay magampanan ng pamahalaan ng Biñan ang pagsasaayos ng Alberto House para muling ibalik ang dati nitong kinang, para sa kultura at pamana ni Rizal at para na rin sa mga taga-Biñan at lahat ng Pilipinong gustong malaman ang buhay niya dito sa Biñan.
Bakit tila ganito
Saloobin mo sa bayan ko?
‘Di mo nais
Pagkupkop nito sa iyo?
‘Di lingid na Calamba’y
Natatangi sa iyo
Ngunit wala bang puwang
Biñan sa puso mo?
Tamang ika’y mangulila
Sa bayang umaruga
Ngunit bakit ganoon na lamang
Turing mo sa Biñan…
Biñan ay tunay kang mahal
‘Di ka itatanggi
sigaw na sasabihin
“Nanggaling ka rin sa amin!”
(Mula sa tulang “Pagtatampo” ng may-akda, sinulat bilang requirement sa PI 100 taong 2003)
Mga Pinagkuhanan ng Impormasyon
Alatiit, G. (2011, Hunyo). Ang Biñan sa Buhay ni Gat Jose Rizal. Balitang Biñan, p. 3.
Ocampo, A. (2010, Hunyo 13). Secrets locked in Alberto house about Rizal’s mother. Philippine Daily Inquirer, p. 12.
Ozaeta, A. (2010, Nobyembre 21). Row rages on over Rizal mom’s alleged house. ABS-CBN News Southern Tagalog. Retrieved July 6, 2011 from http://www.abs-cbnnews.com/nation/regions/11/21/10/row-rages-over-rizal-mom’s-alleged-house
Severino, H. (Host). (2011, Enero 31). I-Witness: Ang Lihim ng Pamilya ni Rizal. Quezon City: GMA News and Public Affairs.
________________ (2011, Marso 22). News to Go. Quezon City: GMA News and Public Affairs.
No comments:
Post a Comment